CAUAYAN CITY – Tinalakay sa pagpupulong ng Cagayan Valley Development Council (CVDC) ang naganap na pagpapakawala ng tubig sa dam ng National Irrigation Administration Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) noong mangyari ang malawakang pagbaha sa Isabela at Cagayan.
Ang joint meeting na ginanap sa amphitheater ng Provincial Capitol ng Isabelaay dinaluhan ng Regional Development Council, RDT Advisory Committee ng Regional Peace and Order Council, Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict at ng apat ng gobernador ng region 2 kasama si Labor Secretary Sylvestre Bello III at iba pang pinuno ng mga ahensya ng pamahalaan.
Matatandaang maraming natanggap na paninisi at akusasyon ang pamunuan ng NIA-MARIIS mula sa mga mamamayan at opisyal ng pamahalaan dahil sa naging kontribusyon ng kanilang pagpapakawala ng tubig sa naganap na malawakang pagbaha.
Naunang nagprisinta ang pamunuan ng NIA-MARIIS ng kanilang mga sinusunod na protocols at pagbibigay abiso sa mga mamamayan.
Sa naging pagpapahayag naman ni Cagayan Governor Manuel Mamba sinabi niya na dapat nang tutukan ang mga problemang naitatala sa dam tulad ng dredging at pagmonitor sa mga watershed areas upang hindi na muling makaperhuwisyo sa mga mamamayan.
Aniya, matapos ang pagbaha ay nangangamba na ang mga mamamayan sa tuwing magkakaroon ng abiso na magpapalabas ng tubig ang Magat Dam.
Hiniling naman ni Governor Rodito Albano sa PAGASA na maliban sa wind signal ay mag-abiso rin sila ng signal sa ulan upang mapaghandaan din ang mga pagbaha.