CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang electrician matapos na tagain ng kanyang pinsana sa Inaldo Street, Purok 2, Bonfal East, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Ang biktima ay si Manuel Gapusan Sansano, 52 anyos, electrician habang ang supek na pinsan nito ay si Ruby Alnas Sansano, 55 anyos, may asawa na kapwa residente ng nabanggit na lugar.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Selwin Villanueva, Chief Intelligence Operative ng Bayombong Police Station, sinabi niya na batay sa kanilang pagisiyasat at pahayag ng mga nakakita sa insidente ay nakatayo ang biktima sa harapan ng kanilang bahay nang dumating ang suspek na may dalang panaga.
Tinaga ng suspek ang biktima sa kaliwang bahagi ng leeg nito.
Agad naman siyang inawat ng mga nakakita sa pangyayari.
Naitakbo pa sa Region 2 Trauma and Medical Center si Manuel subalit idineklara ring dead on arrival.
Agad namang nadakip si Ruby na positibo sa nakalalasing na inumin.
Siya ay mahaharap sa kasong pagpatay at nakapiit na ngayon sa Bayombong Police Station.
Ayon kay PLt. Villanueva, pinagbintangan ng suspek ang biktima na nagnakaw ng kanyang alagang pato nang makaranas ang lalawigan ng bagyo na itinatanggi naman ng biktima.
Napag-alaman din na may nakaraan ng pagtatalo ang magpinsan dahil sa reklamo ng suspek na pag-iingay umano ng pamilya ng biktima subalit nauwi rin sa pag-areglo sa Barangay.






