
CAUAYAN CITY – Palalakasin pa ng DOH region 2 ang pagbibigay ng Psycho-social support sa mga COVID 19 patients na sumasailalim sa quarantine matapos maitala ang pagpapakamatay ng isang COVID-19 patient sa Luna Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Dr. Rio Magpantay ng DOH Region 2 sinabi niya na hindi masyadong natutukan ang pagsasagawa ng Psycho-social support ng kagawaran sa mga quarantine facility.
Dahil dito, nais ng DOH na mas mapalakas pa ang kanilang psycho-social support sa mga COVId 19 patients na kasalukuyang sumasailalim sa Quarantine para matulungan ang naturang mga pasyente.
Aminado si Dr. Magpantay na hindi napupuntahan ng mga kawani ng DOH ang mga isolation at quarantine Facilities sa rehiyon dahil na rin sa ipinapatupad na health protocols.
Iminungkahi rin niya na dapat ay magkaroon ng kaunting kasanayan sa pagbibigay ng Psycho-Social support ang mga medical health workers na nakatalaga sa mga quarantine at isolation facility para magkaroon ng kaalaman sa pagbibigay ng payo sa mga pasyente.
Sa ngayon ay puntirya ng DOH region 2 na mabigyan ng pagsasanay sa pagbibigay ng psycho-social support ang lahat ng mga medical health worker ng kagawaran.
Sinabi pa ni Dr. Magpantay na bagamat hindi direktang maituturong COVID 19 ang dahilan sa pagpapakamatay ng mga pasyente ay may kontribusyon ito sa pagpapababa ng moral ng mga pasyenteng nailalayo sa kanilang pamilya para lamang sumailalim na Quarantine.










