--Ads--

CAUAYAN CITY – Napansin ng DENR na dumami ang naapektuhan ng malawakang pagbaha hindi katulad sa mga nakaraang pagbahapanahon.

Ayon sa DENR ito ay marahil sa hindi nasusunod na mga ordinansa ng mga LGUs na Comprehensive Land Used Plan o CLUP o hindi na akma ang mga ito sa panahon ngayon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sanguniang Panlunsod Member Edgardo Atienza ng lunsod ng Cauayan at siya ring author ng ordinansa, sinabi niya nagawa ang Comprehensive Land Use Plan ng lunsod ng Cauayan noong 2018.

Nakapaloob sa CLUP ang mga flood zones o mga lugar na malalapit sa ilog na hindi maaaring pagtayuan ng kahit anong gusali o no build zone.

--Ads--

Marami na aniyang hindi nakakuha ng building permits dahil ang mga lugar na nais nilang pagpatayuan ay nasa flood zone areas.

Aniya hindi rin nakakapagpakabit sa ISELCO ang mga gusaling hindi nakakuha ng building permits.

Nilinaw ni SP Member Atienza na ang naranasang pagbaha sa Rehiyon ay hindi normal na nararanasan dahil ito ay napakalawak at ang huling beses na naranasan ito ay noong taong 1980s pa o mahigit apatnapung taon na ang nakalipas.

Sa tingin ng mga nagplano sa CLUP ay hindi nababaha ang mga lugar dahil na rin sa tagal na hindi naranasan ang malawakang pagbaha kaya mahirap din aniyang sisihin ang mga planner.

Ang dapat gawin na lamang aniya ng mga LGU ngayon ay mag adjust at mag usap ang Planning, Engineering at ng CDRRM upang gumawa ng certification sa mga lugar na nababaha na ngayon.

Kailangang mai-akma ang Comprehensive Land Use Plan ng lunsod ng Cauayan sa nagbabagong panahon at malaman ang mga bagong flood zones sa lunsod.

Tiniyak ni SP Member Atienza na sa susunod na taon ay kanilang I-aammend ang nasabing ordinansa upang matiyak na ligtas ang mga mamamayan.

Ang bahagi ng pahayag ni SP Member Edgardo Atienza.