
CAUAYAN CITY – Nasabat ng mga kasapi ng Provincial Environment and Natural Resources Task Force ang aabot sa isang libong board feet ng iligal na nilagaring kahoy sa isinagawang Anti-Illegal Logging Operation sa isang ilog na nasasakupan ng Kabisera otso, City of Ilagan.
Nakatanggap ng impormasyon ang Provincial Task Force may kaugnayan sa water logging na nagaganap sa naturang ilog na agad naman nilang tinugunan.
Nagresulta ang operasyon sa pagkakarekober ng pinaghalo halong mga fresh at old cut flinches ng narra na narekober malapit sa may overflow bridge ng naturang barangay na tinatayang nagkakahalaga ng walumpo hanggang isang daang libong piso.
Ayon sa Provincial Task Force hinihinalang nagmula sa bayan ng San mariano ang mga narekober na mga kahoy at pinaanod sa naturang ilog para mailipat sa Lunsod ng Ilagan.
Dinala na sa PENRO ang mga nasabat na mga kahoy para sa maayos na disposisyon.
Ayon pa sa mga awtoridad patunay lamang ang pagkakarekober ng naturang mga iligal na pinutol na kahoy na mayroon paring nagaganap na illegal logging sa Lunsod maging sa iba pang bahagi ng lalawigan na taliwas sa mga sinasabi ng ilang mga opisyal ng pamahalaan na nasugpo na at walang illegal logging sa lalawigan ng Isabela.










