CAUAYAN CITY – Isinailalim ang buong Lungsod ng Santiago sa General Community Quarantine o GCQ mula ngayong araw ikalabing-anim ng Disyembre hanggang ikatatlumput-isa ng Disyembre sa bisa ng Executive Order No. 2020-12-15.
Ipapatupad ang curfew sa oras na alas dyes ng gabi hanggang alas kwatro ng umaga.
Ibabalik din ang Liquor ban at ipagbabawal na ang pagbili ng nakalalasing na inumin sa oras na alas sais ng gabi hanggang alas sais ng umaga.
Habang nakasailalim sa GCQ ang lunsod ay hindi pinapayagang lumabas ang mga Non-APOR, maghihigpit din ang mga kinauukulan sa mga health protocols tulad ng pagsusuot ng Facemask at Faceshield pati na ang social distancing.
Mahigpit ding ipagbabawal ang mass gathering lalo na sa pagdiriwang ng pasko at bagong taon upang maiwasan ang virus na COVID 19.
Ang pagpapatupad ng GCQ sa lunsod ay dahil sa biglaang pagtaas ng naitatala kaso ng COVID 19 sa lugar na umabot sa 378 na confirmed COVID Cases, 156 na aktibong kaso at isang nasawi.
Kasunod din ito ng pagpapatupad ng GCQ ng pamahalaang panlalawigan sa buong lalawigan ng Isabela noong ikalabing-apat ng Disyembre na tatagal hanggang ikatatlumpo ng Disyembre.