--Ads--

CAUAYAN CITY – Inaresto ng mga kasapi ng Tumauini Police Station ang dalawang lalaki na umano’y sangkot sa pagpupuslit ng mga iligal na pinutol na kahoy sa isinagawang anti-illegal logging operation sa Barangay Santa .

Ang mga dinakip ay sina Ronald Biser at Anthony Estrada, kapwa nasa tamang edad at residente ng Brgy. Magassi, Cabagan, Isabela.

Nakatakas naman ang isang nagngangalang Chris Madriaga.

Nauna rito ay nakatanggap ng impormasyon mula sa isang concerned citizen ang mga kasapi ng Tumauini Police Station  hinggil sa ibinibiyaheng mga pinutol na kahoy.

--Ads--

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Police Major Rolando Gatan, hepe ng Tumauini Police Station na katuwang nila ang mga kasapi Criminal Investigation and Detection Group o CIDG Isabela na nagsagawa ng operasyon sanhi para maaresto ang mga pinaghihinalaan.

Tinangka ng mga pinaghihinalaan na ipuslit ang dalawamput walong piraso ng tabla ng iba’t ibang uri ng kahoy na tinatayang humigit kumulang limang daang board feet na isinakay sa kulay asul na elf na may plakang TNA 829

Ayon pa kay PMajor Gatan, walang maipakitang mga papeles o permit ng mga ibinibiyaheng kahoy.

Mariin namang itinatanggi ng dalawang dinakip na sangkot sila sa illegal logging.

Lumabas din sa pagsisiyasat ng pulisya na ang mga inaresto ay mga tsuper at pahinante ng elf kung saan isinakay ang mga kahoy habang ang nakatakas na si Chris Madriaga ang pangunahing pinaghihinalaan na sangkot sa illegal na gawain.

Dinala sa tanggapan ng CIDG Isabela ang mga pinaghihinalaan para sa mas malalimang imbestigasyon.

Ang bahagi ng pahayag ni PMajor Rolando Gatan.