CAUAYAN CITY – Dalawa ang nasawi habang apat ang nasugatan sa banggaan ng tricycle at kotse sa barangay Harana, Luna, Isabela.
Ang mga namatay ay sina Jonathan Donato, 16 anyos at Mark Angelo Babaran, 17 anyos habang ang mga nasugatan ay sina Benedict Agustin, 17 anyos, tsuper ng sangkot na tricycle; Jaymar Donato, 16 anyos; Emil Bartolome, 17 anyos; Jay-Ar Mandat, 21 anyos, pawang sakay ng tricycle at residente ng Canan, Cabatuan, Isabela.
Hindi naman nagtamo ng sugat ang mga sakay ng Toyota Vios na minaneho ni Ricky Abad, 26 anyos, may asawa, job controller at ang dalawang sakay na kinabibilangan ng kanyang 2 anyos na anak, kapwa residente ng San Andres, Cabatuan, Isabela at John Eric Mendoza, 27 anyos, may asawa at residente ng Mararique, San Manuel, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PLt. Pedro Bunagan, deputy chief of police ng Luna Police Station na nangyari ang insidente dakong alas onse kuwarenta kagabi.
Galing ang kotse sa Lunsod ng Cauayan habang mula naman ang tricycle sa barangay Harana at pauwi na ang mga biktima sa Cabatuan, Isabela.
Batay aniya sa tsuper ng kotse na si Abad, hindi naman mabilis ang kanyang patakbo pero hindi niya napansin ang tricyle na bigla na lamang sumulpot dahil wala itong ilaw.

Sinubukan pa umanong iwasan ni Abad ang tricycle subalit nabangga pa rin niya ito at nakaladkad ng 10 metro dahilan para tumilapon ang ilang sakay ng tricycle at maipit ang iba sa loob.
Hindi pa nila mabatid kung positibo sa nakalalasing na inumin ang mga sakay ng tricycle.
Ayon kay PLt. Bunagan, accident prone area ang pinangyarihan ng aksidente bukod pa sa wala itong street light at basa ang daan dahil sa pag-ulan.
Mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide, physical injury and damage to property si Abad at desidido naman ang pamilya ng mga biktima na magsampa ng kaso.
Nanawagan ang opisyal sa mga mamamayan na mag-ingat at sundin ang batas na umiiral lalo na ang curfew hours at liqour ban na sakop ng Executive Order (EO) na inilabas ng pamahalaang panlalawigan kaugnay sa pagsailalim ng Isabela sa General Community Quarantine (GCQ).






