CAUAYAN CITY – Umabot sa isandaan at tatlumput tatlong pamilya na binubuo ng 1,491 na indibidwal ang nag evacuate dahil sa nararanasang pag uulan sa ikalawang rehiyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Information Officer Francis Joseph Reyes ng OCD Region 2, sinabi niya na siyamnaput anim na pamilya o tatlong daan at siyam na indibidwal ang pansamantalang nakituloy sa kanilang mga kamag anak o kakilala dahil sa pagbaha pangunahin sa bahagi ng Pamplona Cagayan at apatnaput apat na pamilya na lamang ang hindi pa maaaring makabalik sa kanilang tahanan.
Ayon kay Ginoong Reyes, hindi pa rin maaaring daanan ang Cabagan-Sto. Tomas Bridge, Cabagan-Sta. Maria Bridge, Baculud Bridge sa Lunsod ng Ilagan, Alicaocao Bridge dito sa lunsod ng Cauayan, Gucab Bridge sa Echague at Turod-Bangkero Bridge sa Reina Mercedes, Isabela.
Samantala, bumabalik na sa normal na pamumuhay ang mga mamamayang naapektuhan ng naganap noong nobyembnre na malawakang pagbaha sa Rehiyon Dos.
Ayon kay ginoong reyes, isinara na ang evacuation center sa Pamplona, Cagayan dahil nagsi-uwian na ang mga mamayang nagevacuate dahil maayos na ang sitwasyon.
Aniya maraming mamamayan na ang nakapagsimula na muling mamuhay ng normal at may ilang mga pribadong indibidwal pa rin naman ang nagpamamahagi ng tulong sa mga nasalanta ng pagbaha.
Pinaghahandaan ngayon ng OCD Region 2 ang early recovery ng mga mamamayang nasiraan ng bahay na matugunan ng National Housing Authority o NHA at ng iba pang ahensya ng pamahalaan maging ng mga magsasakang nasiraan ng mga pananim.
Target din ang pagsasaayos sa mga nasirang imrastraktura tulad ng mga tulay at kalsada.