CAUAYAN CITY – Suportado ng Integrated Bar of the Philippines o IBP ang planong paglulunsad ng rally ng mga abogado kaugnay ng pagpatay sa ilang manananggol sa bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay IBP President Atty. Domingo Egon Cayosa, sinabi niya na welcome sa kanila ang mga abugadong nais magwelga o magsasagawa ng rally tungkol sa mga kasong pagpatay sa mga abugado upang ito ay madramatized at mabigyan kaagad ng aksyon.
Iginiit ni Atty. Cayosa na kapag nagsagawa sila ng rally ay kailangan ding umaksyon ang mga ito sa mga kasong kanilang inaasikaso at bilisan ang paglilitis lalo na kung kilala na ang mga suspek sa pagpatay.
Tahimik lang umano ang kanilang imbestigasyon sa mga kaso sa koordinasyon ng Philippine National Police, National Bureau of Investigation at Armed Forces of the Philippines sa pamamagitan ng bagong approach at ilan sa mga kaso ay mayroon nang mga resulta.
Nanawagan naman ang IBP sa pamahalaan na makipagtulungan lalo na ang mga matataas na opisyal dahil ito ay trabaho naman nila bilang nagseserbisyo sa bayan.