CAUAYAN CITY – Patuloy ang pagsasagawa ng security operation ng mga sundalo sa Rehiyon Dos at Cordillera Administrative Region o CAR sa pagdiriwang ng founding anniversary ng Communist Party of the Philippines kahapon, ikadalawamput anim ng Disyembre.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Major Jekyll Dulawan, ang DPAO Chief ng 5th Indfantry Division Philippine Army sinabi niya na nagsagawa ng security operation ang mga sundalo upang hindi makalapit ang mga NPA sa mga komunidad at hindi makapanlinlang sa mga mamamayan upang sumanib sa kanilang samahan.
Nagsagawa naman ng peace rally sa Cagayan Provincial Capitol ang ilang former rebels, mga lokal na opisyal at ang mga Victims, Orphans and Widows of CPP-NPA Atrocities o ang tinatawag na VOWCA upang kondenahin ang mga makakaliwang grupo.
Ayon kay Major Dulawan wala namang naidagdag sa mga sumukong rebelde sa pagdiriwang ng anibersaryo ng CPP.
Sa mga nakaraang taon ay nagsasagawa ng peace talk ang magkabilang panig pagdating ng Yuletide Season ngunit dahil inihayag ni pangulong Duterte na wala nang ceasefire dahil na rin sa kanilang pagtatraydor sa kasunduan.
Kapag dumating ang kanilang anibersaryo ay nagsasagawa ng operasyon ang mga rebelde laban sa mga sundalo.
Ngayon ay tuluy-tuloy ang operasyon ng mga sundalo upang mapigilan ang mga ito na makababa at maapaghasik ng kaguluhan sa komunidad.
Pabor naman ang mga sundalo na walang ceasefire upang maipagpatuloy nila ang pagprotekta sa mga mamamayan laban sa mga komunistang grupo.
Ipangmalaki ni Major Dulawan ang kanilang mga programa katuwang ang ilang ahensya ng pamahalaan para sa mga kasapi ng mga rebelde na nagbalik-loob sa pamahalaan na naging matiwasay na ang pamumuhay ngayon sa mga ipinamahaging kabuhayan sa kanila.
Pinasalamatan naman niya ang mga sumukong rebelde sa kanilang kooperasyon sa mga sundalo upang makita ang mga pinagtataguan ng mga rebelde.