CAUAYAN CITY – Planong ibili ng bangka ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela ang 16 million pesos na donasyon sa lalawigan noong bagyong Ulysses.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Governor Rodito Albano na maraming natanggap na tulong ang lalawigan noong magkaroon ng baha na dulot ng bagyong Ulysses at mayroon pang cash na natitira.
Dahil dito, plano niyang kausapin ang sangguniang panlalawigan at imungkahi na ibili ito ng bangka para may magamit sakali man na magkaroon na naman ng pagbaha sa Isabela.
Aniya, ang mga tulong na natanggap ng lalawigan ay mula sa ibang probinsiya at mayroon ding galing sa ibang bansa tulad ng China.
Maging ang mga lugar na natulungan ng lalawigan noon lalo na ang Batangas na labis na naapektuhan nang sumabog ang bulkang taal ay nagbigay din ng tulong.





