CAUAYAN CITY – Ipapatupad ng Covid 19 council ang quota system sa panghuhuli ng mga lumalabag sa mga health protocols sa Lunsod.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD chief Pilarito Mallillin sinabi niya na ang pagpapatupad ng quota system ay galing at inirekomenda mismo ng Cauayan city police station sa COVID 19 council.
Aniya, puntirya ng COVID 19 council na makapanghuli ng sampu hanggang dalawampung violators bawat araw.
Dahil dito ay bubuo ng isang task force ang COVID 19 council na binubuo ng mga kasapi ng barangay, POSD at PNP.
Isa rin sa mga napag-usapan sa naging pagpupulong ng COVID 19 council ng Lunsod ang partisipasiyon ng bawat local officials ng mga barangay sa pagbabantay sa kani kanilang mga nasasakupan partikular ang mga lugar na isinailalim sa Calibrated lockdown alinsunod sa implementing rules and regulation na ibinaba ng IATF.
Aminado naman si POSD chief Mallillin na maraming mga nagpositibong residente na naitala sa Lunsod ay mula sa ibang bayan at hindi napigilang makapasok sa Lunsod noong pasko at bagong taon dahil sa unvalidated na medical declaration o health certificate.
Sa kabila ng paghihigpit tiniyak ng POSD na hindi maabuso ng mga kinauukulan ang kanilang kapangyarihan para sa pagpapatupad ng quota system at gagamitin ang holistic approach para sa pagpapatupad ng panibagong panuntunan.