CAUAYAN CITY – Hinihintay pa ng Department of Science and Technology (DOST) ang ipapadala ng World Health Organization (WHO) na susunding protocols sa isasagawang solidarity trial ng mga bakuna kontra Coronavirus Disease (COVID-19).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Undersecretary Rowena Guevara ng DOST na isasagawa ang solidarity trial ng WHO sa Philippine General Hospital (PGH) sa pangunguna ni Dr. Teodore Lim.
Aabot sa 15,000 na participants mula sa National Capital Region na may mataas na kaso ng COVID-19 ang isasailalim sa solidarity trials na isinasagawa ng WHO na sinang-ayunan ng Inter-Agency Task Force.
Sinabi pa ni Undersecretary Guevara na sa ngayon ay hindi pa nila alam ang bakuna na isasailalim sa solidarity trials at kung ano ang mga ipapatutupad na protocol dahil hinihintay pa ang abiso ng WHO.
Nakikipag-ugnayan na rin si Vaccine Czar Carlito Galvez sa mga mayors sa NCR upang makakuha ng mga participants na sasailalim sa solidarity trial.
Magkakaroon din ng vaccine registrations ang mga participants upang masubaybayan ng mga health care workers ang anumang adverse effect ng bakuna para agad na matugunan.
Sinabi ni Undersecretary Guevara na maaaring simulan na ang solidarity trial 30 na araw matapos na maibigay ng WHO ang mga protocols.
Kung matatanggap na ito ng DOST ay kailangan din nilang ihain sa Food And Drugs Administration (FDA), mga Vaccine Expert Panel at Ethics Review Board na handa nang tanggapin at maaring tapusin sa loob ng 20 araw ang pag-aaral.





