CAUAYAN CITY – Inamin ng Land Transportation Office (LTO) region 2 na may mga natatanggap silang reklamo tungkol sa mga fixers sa kabila ng mga nagkalat na accredited driving schools sa rehiyon.
Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Manny Baricaua, Administrative Officer ng LTO Region 2, sinabi niya na lagi nilang pinapaalalahanan ang mga accredited driving schools at accredited driving instructors na gamitin nang maayos ang naibigay sa kanilang accreditation dahil sa mga natatanggap nilang reklamo tungkol sa mga fixers.
Aniya, kapag napag-alaman na ginagawang gatasan ng mga ito ang naibigay sa kanilang authorization ay mapapawalang bisa ang kanilang accreditation.
Kaugnay nito ay maayos naman ang pagpapatupad nila ng pagbibigay ng sertipikasyon bago kumuha ng student permit at driver’s license ang mga nagtutungo sa kanilang mga tanggapan.
Ayon sa kanya, bago kukuha ng student permit ay kailangan munang kumuha ng 15 oras na theoretical driving course.
Ginawa na nila itong tatlong araw at limang oras ang gugugulin ng kukuha bawat araw.
Kapag mag-upgrade naman ng lisensiya ay kailangan ding dumaan sa practical driving course na walong oras sa accredited driving schools.





