CAUAYAN CITY – Puntirya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) region 2 na ipamahagi ang social pension ng mga senior citizen ngayong buwan ng Pebrero 2021.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Fernando Bainto, Focal Person ng DSWD region 2, sinabi niya na kasalukuyan ang kanilang pagtanggal sa pangalan ng mga senior citizen na sumakabilang buhay na.
Aniya, maraming benepisaryo ang namatay kaya kailangan silang tanggalin at palitan ng mga isinumite ng mga Local Government Units (LGU’s) na posibleng bagong benepisaryo ngayong 2021.
Puntirya nilang ipamahagi sa mga senior citizen ang kanilang anim na buwang pension mula enero hanggang Hunyo at nagkakahalaga ito ng tatlong libong piso.
Umaabot sa 218,659 ang mga benepisaryong nakatakdang bigyan ng pension ng DSWD Region 2.
Ayon kay Ginoong Bainto, magkakaroon ng schedule sa payout at mahigpit na susundin ang mga minimum health protocols upang maiwasan ang COVID-19.
Door to door naman ang mga senior citizens na hindi makapunta sa venue ng payout tulad ng mga may sakit.
Sinabi ni Ginoong Bainto na 6,000 pesos pa rin ang matatanggap ng mga pensioners sa loob ng isang taon at hinahati ito ng DSWD ng 3,000 pesos bawat semestre.





