CAUAYAN CITY – Labis na nalulungkot at nanghihinayang si Labor Secretary Silvestre Bello III dahil mabait at maaasahan sa trabaho ang pumanaw na si Labor Attache Nasser Munder ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Jeddah, Saudi Arabia.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni kalihim Bello na nakita na unconscious sa kanyang opisina si Munder kaya agad na itinakbo sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Nagbakasyon aniya sa Pilipinas ang labor attache at sinabihan niyang huwag nang bumalik dahil sa kanyang karamdaman at patapos na rin ang kanyang tour of duty na limang taon ngunit iginiit na kailangan niyang bumalik dahil marami pa siyang dapat na asikasuhin.
Dahil isang Muslim si Labor Attache Munder ay ililibing ang kanyang labi sa loob ng 24 oras at pumayag ang kanyang misis na ilibing siya sa Jeddah ngunit hiniling na kung maari ay sa Mecca.
Bago nito ay isasailalim sa awtopsiya ang kanyang mga labi para malaman kung ano ang tunay na sanhi ng kanyang pagkamatay.






