--Ads--

CAUAYAN CITY – Umabot sa 10,172 na pamilya ang naalis sa listahan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) region 2.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Information Officer Jeaneth Lozano ng DSWD region 2 na mula noong Disyembre, 2019 ay umabot na sa 10,172 na pamilya ang naalis sa listahan ng 4Ps sa Lambak ng Cagayan.

Iba’t iba aniya ang dahilan ng pagkakaalis ng mga ito kabilang na ang awtomatikong pag-alis sa programa ng mga miyembro dahil wala na silang anak na nag-aaral na edad labing walo pababa.

Mayroong 8,000 na pamilya ang natanggal sa listahan dahil dito.

--Ads--

Mayroon ding mga boluntaryong umalis na umabot sa 1,600 na pamilya.

Ito ay dahil sa pagsisikap ng mag-asawa na maiangat ang kanilang buhay at kaya na nilang pag-aralin ang kanilang mga anak.

Umabot naman sa 233 ang naalis na kanilang hinikayat matapos na umangat ang kanilang kabuhayan.

Mayroon namang 77 ang natanggal dahil sa paglabag sa kondisyon ng programa tulad ng wala ng nag-aaral na kanilang anak o di kaya ay nahuhuling ginagamit sa pagsusugal ang natatanggap nilang tulong.

Aabot naman sa 98 ang nakita ng kanilang system na may entry sa ibang rehiyon.

Ayon kay Information Officer Lozano, sa 10,172 na pamilya ay nasa siyam na libo na ang napalitan.

Ang pahayag ni Information Officer Jeaneth Lozano