CAUAYAN CITY – Ipinatupad na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mas mahigpit na polisiya sa paglabag ng mga alituntunin ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ngayong panahon ng pandemya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Information Officer Jeaneth Lozano ng DSWD Region 2 na ang Memorandum Circular #38 ay naglalaman ng mas mahigpit na panuntunan sa paglabag ng mga miyembro ng 4Ps.
Dapat ay magamit sa tama ang nakukuha nilang tulong dahil sa nararanasang pandemya.
Ayon sa kanya, kung dati ay may tatlong violation rule ang grievance process sa mga miyembro ay wala nang paglabag ngayong panahon ng pandemya.
Kapag ginamit sa hindi tama tulad ng pagsusugal, pagbili ng alak at iligal na droga ang nakuhang cash grant ay awtomatiko nang masuspinde ang kanilang cash grant kapag ito ay napatunayan ng mga field worker ng DSWD.
Magtatagal ito hanggat hindi i-certify ng field worker na nagbago na sila at hindi na sila umulit sa naturang gawain.
Nasimulan na itong ipabatid sa kanilang mga municipal link at nagkaroon na rin sila ng information dissemination sa mga miyembro sa bawat bayan.
Ayon kay Information Officer Lozano, mula nang ipatupad ang memorandum circular na ito ay may isa nang subject for validation ng kanilang field worker matapos na masangkot sa iligal na pagsusugal.
Nilinaw niya na ipapatupad lamang ito ngayong may COVID-19 pandemic at pagkatapos nito ay babalik din sa dati ang grievance process sa 4Ps.
Hinikayat niya ang publiko na iparating sa DSWD kung mayroon silang nalalaman na miyembro ng naturang programa na ginagamit sa hindi tama ang nakukuha nilang tulong mula sa pamahalaan para agad na maaksyunan.





