CAUAYAN CITY – Iginiit ng Cauayan FESADECO na ang pangongolekta ng dalawang libong piso mula sa ayuda ng DOLE para sa mga tricycle drivers ay sa pagitan lamang ng mga TODA Presidents at members at walang kinalaman ang kooperatiba.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FESADECO Vice Chairman Roland Lanuza, hindi sapilitan ang pangongolekta ng dalawang libong piso mula sa nasabing ayuda kundi kung gusto lamang ng mga driver na tulungan ang mga kasamahan nilang hindi nakatanggap.
Iginiit niya na hindi sila nangungurakot dahil hindi naman sa kooperatiba mapupunta ang nasabing halaga kundi tulong ito sa mga myembro ng TODA at mga presidente ng TODA ang may ideya nito upang tulungan ang kanilang mga myembro.
Aniya magpasalamat na lamang sana ang mga nasabing tricycle driver na may natanggap na ayuda hindi puro reklamo dahil hindi naman sila pinupwersa na magbigay ng halaga para sa kanilang mga kasamahang hindi nakatanggap.
Tatlong libo lamang ang nabigyan sa kabuuang anim na libong tricycle driver na myembro sa kooperatiba.