--Ads--

CAUAYAN CITY – Inaresto ng mga kasapi ng Reina Mercedes Police Station ang isang kawani ng pamahalaang lokal matapos magpaputok ng baril sa loob ng Local Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMO) sa Tallungan, Reina Mercedes, Isabela.

Ang suspek ay si Jerry Rivera, 40 anyos, kawani ng LGU at residente ng Santor, Reina Mercedes, Isabela.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, habang nagpapatrolya ang mga kasapi ng Reina Mercedes Police Station ay nakarinig sila ng tatlong sunud-sunod na putok ng baril dakong alas dose ng hatinggabi mula sa tanggapan ng LDRRMO.

Sa pagtugon ng mga pulis ay nadatnan nila si Rivera na hawak-hawak pa ang kanyang baril na ginamit na pagpapaputok.

--Ads--

Nakuha sa suspek ang di umano’y ginamit na baril na isang Caliber 9mm Daewoo pistol at narecover din sa lugar ang tatlong basyo ng bala.

Dinala sa Reina Mercedes Police Station si Rivera at ginamit na baril para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaso laban sa kanya.

Sinikap ng Bombo Radyo Cauayan na makuha ang panig ni Rivera para malaman ang dahilan ng kanyang pagpaputok ng baril ngunit sinabi ng naka-duty na pulis na ayaw niyang magpa-interview.

Tumanggi rin ang pulis na magbigay ng karagdagang impormasyon hinggil sa pangyayari at sinabi pang kailangan ng written request batay sa Freedom of Information.