--Ads--

CAUAYAN CITY Nasugatan ang limang tao matapos na mahagip ng isang Sport Utility Vehicle (SUV) ang isang motorsiklo at dumiretso sa nakatambak na buhangin dahilan para tumagilid sa daan.

Ang tsuper ng SUV ay si Mark Alvin Asis, 32 anyos, may asawa, negosyante at residente ng Malvar, Santiago City habang ang mga sakay nito ay sina Christopher Alejo, 25 anyos, binata, residente ng Sinsayon, Santiago City; Von Marcus Asis, 11 anyos, residente ng Patul, Santiago City at John Philip Andaya, 17 anyos, estudyante at residente ng Calaocan, Santiago City.

Ang tsuper naman ng motorsiklo ay si Jomar Balauis, 30 anyos at residente ng Rizal, Santiago City.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Santiago City Police Office (SCPO) Traffic Group Unit, binabagtas ng dalawang sasakyan ang magkasalungat na direksyon nang aksidente umanong nahagip ng SUV ang motorsiklo.

--Ads--

Tinangka pa ni Asis na tumakas ngunit sumalpok ang minamanehong sasakyan sa nakatambak na buhangin dahilan upang tumagilid ang SUV at napunta pa sa gate ng isang bahay sa lugar.

Nagtamo ng mga galos at sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga sangkot na dinala sa pinakamalapit na ospital habang tumanggi namang magpadala sa ospital ang tsuper ng motorsiklo.

Lumalabas na nasa impluwensiya ng alak ang mga tsuper na sangkot sa aksidente.