CAUAYAN CITY – Pinatututukan ang pamahalaang panlalawigan ang nangyaring pananambang na ikinasawi ng dalawang dating mayor na incumbent Sangguniang Bayan Member at dalawang empleyado sa bayan ng Lasam.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Manuel Mamba, nanawagan siya sa Philippine National Police na siyasating mabuti ang krimen upang madakip at mapanagot ang mga salarin.
Limang anggulo ang tinitingnang motibo ng kapulisan sa pagpatay sa mga biktima.
Maaaring may kaugnayan ito sa pulitika, pagkasama ng pangalan ni Sangguniang Bayan Member Marjorie Salazar sa Narco-list ni pangulong Duterte, robbery at maaari ring kagagawan ito ng mga kasapi ng NPA.
Ayon kay Governor Mamba, napakaraming problema ang kinakaharap ngayon ng bansa dahil sa pandemic lalo pa at parating na halalan sa susunod na taon.
Maraming anggulo na puwedeng tingnan kaya pahirapan ang paglutas sa nasabing krimen ngunit kanyang pinaalalahanan ang pulisya na pagbutihin ang pagsisiyasat dahil sila ay nabibigyan naman ng tamang kagamitan at sapat na benepisyo pamahalaan.
Aniya maging warning na rin ito sa mga sangkot sa narcolist at banta sa buhay na itigil muna ang mga aktibidad na nagdudulot ng kapahamakan.
Nananawagan si Gov. Mamba sa mga mamamayang may nalalaman sa pangyayari na ipabatid ito sa mga kinauukulan para sa ikalulutas ng kaso.