CAUAYAN CITY – Inihahanda na ang relocation sites para sa mga residente ng San Pugo, Nagtipunan, Quirino matapos ang pagkabitak-bitak ng lupa sa kanilang lugar.
Matatandaang noong nakaraang taon, kasabay ng paghagupit ng bagyong Ulysses sa rehiyon dos ay nagkaroon ng bitak ang mga lupa na kinatitirikan ng bahay ng mga residente sa naturang barangay dahilan para sila ay lumikas.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mayor Nieverose Meneses ng Nagtipunan na aabot sa 181 na pamilya ang kailangang i-relocate dahil sa ulat ng Mines and Geo-sciences Bureau (MGB) ay hindi na ligtas ang lupa na kinatitirikan ng kanilang bahay.
Batay sa pag-aaral ay pinasok ng tubig ang lupa dahil sa tuluy-tuloy na naranasang pag-uulan kaya nagkaroon ng bitak ang lupa.
Aniya, masakit man sa kanila na lisanin ang lugar kung saan sila lumaki ay wala rin silang magagawa kaya ang iba ay inalis na ang pundasyon ng kanilang bahay para handa na kapag sila ay ililipat sa lugar na inihahanda ng lokal na pamahalaan para sa kanila.
Ayon kay Mayor Meneses, kinausap nila ang mga may malawak na lupain sa kanilang bayan at inaayos na ang idinonate na lupa.
Nagbunutan naman ang bawat pamilya para hindi sila mag-agawan kapag sila ay lilipat.
Pansamantala ay naghanda ang LGU ng bunkhouse para doon muna sila tumira at nakahanda rin ang paaralan sa lugar na kanilang lilipatan.
Bukod dito ay pinaplano nilang magpatayo ng barangay center para magamit din ng mga residente.
Tiniyak naman niya na kumpleto ang mga hygiene kits, relief goods at nagsagawa rin ng stress debriefing ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) para sa mga apektadong residente.
Ayon pa kay Mayor Meneses, ang San Pugo ay tirahan ng mga Bugkalot at matatagpuan dito ang Mactol Falls na dinarayo ng mga taga-ibang lugar.
Sa summer ay susubukan nilang ipasuri ulit ang lupa sa lugar para maisalba ang pinagkakakitaan ng mga residente.
Pangunahing pinagkakakitaan ng mga residente ay pagsasaka at naturuan na rin sila na mag-entertain ng mga bisita.
Sa ngayon ay nagtatanim na sila ng fruit bearing trees sa paligid ng lugar.






