CAUAYAN CITY– Nagsasagawa pa ang pulisya ng karagdagang pagsisiyasat matapos madakip sa isinagawang operasyon ang dalawang lalaki na nasamsaman ng 41 bricks ng marijuana dried leaves na nagkakahalaga ng mahigit P4.9 million sa barangay Barucboc, Quezon, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PBrig. Gen. Crizaldo Nievez, Regional Director ng Police Regional Office 2 na magkasanib na puwersa ng Phil. Drug Enforcement Agency , Provincial Intelligence Unit ng Isabela Police Provincial Office, Drug Enforcment Unit, Quezon Police Station at San Manuel Police Station na nagsagawa ng drug buybust operation.
Nag-order anya ang mga otoridad na nagpanggap na poseur buyer ng 41 bricks ng marijuana dried leaves na nagkakahalaga ng P4.9 million na nangggaling sa lalawigan ng Kalinga.
Bukod sa mga pinatuyong dahon ng marijuana ay nakuha rin ang dalawang heat sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng apatnaput isang libong piso .
Naaresto ang mga suspect na sina Marcelo Tudlong Thomas,29 anyos, may-asawa, residente ng Purok 1, Bulanao, Tabuk City, Kalinga at Keruben Winnie Banosan, 32 anyos at residente ng San Juan, Quezon, Isabela.
Sinabi pa ni Regional Director Nieves na iimbentaryo ng PNP at PDEA ang mga illegal na droga na gagamiting ebedensiya para sa pagsasampa ng kaso laban sa 2 suspect.
Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa isa sa mga suspect na si Keruben Winnie Banosan ay itinanggi niya na may kinalaman siya sa nasabing droga.
Ayon kay Banosan, nirentahan lamang ang kanyang sasakyan para sa transportasyon ng mga illegal na droga.
Sinabi niya na sa kabila na alam nitong mga pinatuyong dahon ng marijuana ang ikakarga sa kanyang sasakyan ay pumayag siyang arkilahin dahil malaki ang ibabayad sa kanya.
Kailangan anya niyang kumita ng pera para may maihulog sa kanyang sasakyan.
Ang mga nasamsam na illegal na droga at mga suspect ay dinala sa Quezon Police Station at inihahanda na kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa kanila.











