--Ads--

CAUAYAN CITY – Nakahandang paimbestigahan ng Committee on Labor, Trade and Industry ng Sangguniang Panlunsod kung mayroong hoarding ng baboy sa lunsod.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SP Member Edgardo Atienza, sinabi niya na bawal ang hoarding kaya kung meron man nito sa lunsod ay kanilang iimbestigahan.

Ayon kay SP Member Atienza, ang hoarding ay ang paghohold ng suplay upang ibebenta lamang kapag bumuti na ang sitwasyon.

Aniya nagkaroon ng ASF sa Lalawigan kaya kinulang ang suplay, para kay SP Member Atienza malabong, hoarding ang dahilan kaya mahal ang benta ng karne ng baboy.

--Ads--

Nasa animnapung bahagdan ng pinanggagalingan ng suplay ng baboy ay sa mga backyard hog raisers at apatnapung bahagdan naman ang mga galing sa commercial farms.

Nakausap naman umano niya ang kaisa-isang nanatiling ASF Free na hog farm sa lunsod at kanilang sinabi na patuloy ang kanilang pagsusuplay sa lunsod ngunit limitado lamang dahil maliliit pa ang ibang baboy.

Mataas din ang demand kaya pahirapan ang suplay ngayon lalo pa at puro sa mga malalayong lugar na walang kaso ng ASF kumukuha ang ilan para may maibenta sa lunsod.

Pinahintulutan na rin ni Pangulong Duterte ang pagkuha ng suplay sa bahagi ng Visayas at Mindanao upang maipantustos sa Luzon na lubhang apektado ng ASF kaya umaasa ngayon ang pamahalaang panlunsod na sa mga susunod na linggo o buwan ay bumalik na sa dati ang presyo ng karne ng baboy.

Ang bahagi ng pahayag ni SP Member Edgardo Atienza.