--Ads--

CAUAYAN CITY – Hindi sang-ayon si Ex Mayor Pempe Miranda ng Santiago City sa pangungutang ng kasalukuyang administrasyon ng P1.8 billion sa Landbank of the Philippines (LBP).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ex Mayor Miranda, sinabi niya sinadya niyang pumunta sa ginanap na Special Session sa tanggapan ng Pamahalaang Lunsod maging si Ex Mayor Amy Navarro noong February 19 para tutulan ang pangungutang ng kasalukuyang administrasyon sa LBP.

Sa naturang session ay ipinasa ang terms and condition ng Ordinansang pangungutang ng LGU sa LBP at natatanging tumutol sa hanay ng mga Councilors si Sangguniang Panglunsod member Jun Cabucana at kinwestiyon ang hindi paghingi ng Feasibility Study sa nasabing proyekto.

Napag-usapan din ang paggamit ng Internal Revenue Allotment (IRA) ng lunsod sa pagbayad ng nasabing utang na nasa 20% kada taon.

--Ads--

Wala aniyang Fix Value na napag-usapan na kanyang ikinabahala dahil maaring maabuso ang pagbabayad ng lunsod kasabay ng pagtaas ng IRA kada taon.

Tinawag niya na maluhong proyekto ang pagpapatayo ng Convention at Sports Complex ngayong panahon dahil sa patuloy na epekto ng pandemya.

Iginagalang nito ang Plans and Program ng kasalukuyang administrasayon subalit dapat ay palakasin muna ang industriya ng pagsasaka o agrikultura para maitaas ang IRA ng lunsod bago isakatuparan ang mga ganitong proyekto.

Ayon pa sa dating Mayor, marami na ang kanilang naging sakripisyo sa kanyang panahon na nagbunga dahil maayos na nabayaran ang mga utang ng dating administrasyon at naging first independent component city pa ang Lunsod.

Tinig ni Ex Mayor Pempe Miranda.

Iginiit naman ni Mayor Joseph Tan sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan na hindi totoong malulubog sa utang ang lunsod nang dahil sa kinukwestiyon na loan sa LBP.

Aniya, gagamitin ito sa pagpapatayo ng Health Recovery Facility, Convention Center at Sports Complex Facility na matagal nang hinahanap ng publiko.

Mahalaga ito ngayon dahil sa libreng serbisyo na maibibigay sa mga residente pangunahin na ang Health Recovery Facility na nakatakdang ipatayo sa tabi ng Southern Isabela Medical Center (SIMC).

Naaayon din ang pagpapatayo ng Convention Center para mabigyan pa ng Job Opportunities ang mga residente pangunahin na sa Tourism Sector.

Naniniwala ang punong lunsod na kapag naipatayo ang mga proyektong ito ay siguradong mapapabilis ang ikot ng trabaho, kita at pangkabuhayan sa lunsod dahil sa dami ng mga taong dadayo.

Paliwanag niya na hindi na kailangang magsumite ng Feasibility Study sa nasabing proyekto dahil nakita ng LBP na kayang bayaran ng lunsod ang naturang halaga.

Siniguro naman niya na magiging transparent ang naturang proyekto para maipakita sa publiko na napupunta sa tama ang hiniram na pondo.

Bwelta niya na marami ang programa ng kaniyang administrasyon na kinikilala ng nakakataas pangunahin na sa Social Welfare.

Tinig ni Mayor Joseph Tan.