CAUAYAN CITY – Namamahagi na ng cash assistance ng DSWD region 2 sa mga biktima ng Bagyong Ulysses noong nakaraang taon sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation o A-ICS.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Information Officer 2 Vanessa Diana Nolasco ng Disaster Response Management Division ng DSWD region 2 na mayroong tatlong categories ng A-ICS na kinabibilangan ng Educational assistance, medical assistance, burial assistance at cash assistance.
Sa lalawigan anya ng Cagayan ay mayroon nang 42,622 beneficiaries ang pinagkalooban na ng cash assistance at mayroon pang natitirang mahigit pitumpung libong isusunod na pagkakalooban sa susunod na linggo
Dito naman sa Isabela ay mayroon nang mahigit 41,000 ang nabigyan ng cash assistance at may natitira pang mahigit animnaput anim na libong pagkakalooban pa ng ayuda.
Samantala sa mga lalawigan ng Nueva Vizcaya at Quirino ay hindi pa nagsisimula ang pay-out sa mahigit 1,680 na naapektuhan ng Bagyong Ulysses .
Tatlong libong piso per household ang ibibigay na cash assistance ng DSWD region 2 na mula sa A-ICS.
Sinabi pa ni Nolasco na mahigpit ang isinagawang assessment ng mga opisyal ng barangay at iva-validate naman ng MSWDO at CSWDO.