CAUAYAN CITY – Pinabulaanan ng SAHARA Games and Amusement Philippines Corporation ang mga paratang na umano’y paglabag sa kanilang operasyon.
Matatandaang una nang napabalita sa Bombo Radyo Cauayan ang naganap na pagdinig ng Committee on Games and Amusement ng KAMARA kung saan kinuwestyon ng ilang kongresista ang pagkakaroon ng Agent ng PCSO para sa operasyon ng STL.
Kinuwestyon din ang operasyon ng mga STL Agents kung paano sila magpataya at ang ticket na kanilang ginagamit sa pagpapataya maging ang usapin tungkol sa Covid 19 protocols.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Anthony Ang-Angco, Operations Manager ng SAHARA Games and Amusement Corporation, sinabi niya na ang mga kinukwestyon na hindi otorisadong tiket at paraan ng operasyon ng mga STL Agents ay hindi dapat pag usapan kundi ang tanong na kung bakit sila ang ginigipit sa operasyon.
Aniya, ligal naman ang pananaw ng kabila sa STL noon ngunit sa hindi niya malamang dahilan ay iligal na ito sa kanila ngayon.
Hindi namansiya tutol sa committee hearing kundi ang tanging hiling ng SAHARA ay huwag sanang ilagay ng kabilang kampo sa kanilang kamay ang batas dahil lagi umanong nagtutungo ang mga ito sa mga betting Stations ng SAHARA para piliting magsara.
Pending na umano ito sa Kongreso at umabot na rin sa Senado ngunit hindi sila makapaghintay na magsimula ang hearing at imbestigasyon ng korte.
Ayon kay Ginoong Ang-Angco, dahil mayroon pa ring Charter ng PCSO na kanilang sinusunod ay karapatan din nilang magpatuloy sa operasyon.
Aniya kung magkakaroon na ng batas at maabolish ang kasalukuyang charter ng PCSO ay saka sila magsasara basta tama ang proseso.