
CAUAYAN CITY – Halos 50% na ang kahandaan ng Department of Health (DOH) region 2 kaugnay sa COVID-19 vaccination.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Regional Director Rio Magpantay ng DOH region 2 na tinututukan nila ngayon ang vaccination plan ng rehiyon para kapag dumating na ang bakuna ay maayos na ito at mabigyan agad ng bakuna ang mga prayoridad na grupo tulad ng mga health workers.
Binubusisi rin nila ang mga micro plans na isinumite ng mga Local Government Units (LGUs) lalo na ang implementing sites para sakali mang magkaroon ng problema ay agad na mabigyan ng aksyon.
Inamin niya na ang kulang ngayon sa mga LGUs ay ang demand generation o kung paano nila mahikayat ang kanilang mga nasasakupan na magpabakuna.
Sa ngayon ay halos 50% pa lamang ang kanilang kahandaan batay sa readiness assessment.
Gayunman ay araw-araw na nadadagdagan ang kahandaan ng mga LGUs kaya sigurado siyang halos handa na ang lahat kapag dumating na ang mga bakuna.










