--Ads--

CAUAYAN CITY – Naaresto sa isinagawang drug buy-bust operation sa isang drive-inn hotel sa Cauayan City ang tatlong lalaki na kabilang sa PNP-PDEA high value target list.

Ang mga naaresto ay sina Macario Alejo, 53 anyos, residente ng Bustamante, Luna, Isabela; Francis Neil Donato, 36 anyos,  residente ng Culing Centro, Cabatuan, Isabela at Dionie Respicio, 51 anyos at residente ng Saranay, Cabatuan, Isabela.

Isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Cauayan City Police Station, PDEA Region 2, Provincial Intelligence Unit – Provincial Drug Enforcement Unit (PIU-PDEU), Isabela Police Provincial Office (IPPO) at Regional Drug Enforcement Unit (RDEU2) na nagbunga ng pagkaaresto ng mga suspek.

Nakuha sa pag-iingat ni Macario ang isang heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, 1,000 pesos na ginamit na drug buy-bust money, 4,000 na boodle money, mga ID, dolyar na katumbas ng 2,000 pesos, isang Caliber 9mm pistol na may 15 na bala, isang cellphone at isang sasakyan.

--Ads--

Nakuha naman sa pag-iingat nina Donato at Respicio ang isang bagpack na may lamang dalawang piraso ng tubular marijuana, mga drug paraphernalia at dalawang cellphone.

Ayon sa mga awtoridad, resulta ito ng pakikipag-ugnayan ng pulisya sa mga una nang naarestong drug personality at supplier umano ng droga ang tatlo.

Sinikap ng Bombo Radyo Cauayan na kunan ng pahayag ang mga nadakip ngunit tumanggi silang magbigay ng anumang pahayag.

Paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 at Republic Act 10591 o Firearms and Ammunition Regulation Act ang kasong kakaharapin ng tatlo.