
CAUAYAN CITY – Tiniyak ng DENR Isabela na napapangalagaan ang mga sanctuary na tirahan ng mga wildlife species sa Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Provincial Environment And Natural Resources Officer Marlon Agnar ng DENR Isabela na naaalagaan ang mga Sanctuary sa Isabela tulad ng Malasi Lakes Sanctuary sa Cabagan, ang mga sanctuary sa Delfin Albano at Magat Dam sa Ramon.
Sinabi ni PENRO Agnar ng DENR Isabela na bilang bahagi ng pagdiriwang ngayong araw ng World Wildlife Day ay binibisita nila ang mga wildlife sanctuary at nakita ang maraming wildlife.
Ilan lamang sa mga wildlife na nakikita sa mga sanctuary sa Isabela ay ang wild ducks, Rufous hornbill o kalaw, Phil. Eagle, at pawikan sa karagatan ng Dinapigue, Isabela.
Hinikayat naman ni PENRO Agnar ang mga nag-aalaga ng mga endangered species o kung mayroong nahuli ay ipasakamay na lamang sa pinakamalapit na DENR para maibalik sa kanilang habitat.
Kailangang din anyang irehistro sa DENR ang pag-aalaga sa mga wildlife upang hindi sila lumabag sa batas.










