
CAUAYAN CITY – Dinismiss ng Provincial Prosecutors Office sa lunsod ng Ilagan ang kasong kriminal laban kay Brgy Kapitan Arnel Quesada ng Yeban Sur at MSWD Officer Gretchen Selino na isinampa ni Anita Leaño Justo kaugnay sa paglabag sa RA 3019 o Anti Graft and Corrupt Practices Act at RA 11649 o Bayanihan to Heal as One Act.
Kaugnay ito sa usapin tungkol sa pamamahagi ng ayuda mula sa Social Amelioration Program o SAP ng DSWD.
Dahil sa kakulangan sa ebidensya ng kabilang panig ay nadismiss ang dalawa sa nasabing kaso.
Hindi umano nakumbinsi ang hanay ng taga-usig na nagawa ng mga ito ang mga paglabag sa mga inilabas na patunay o ebidensya.
Ayon sa inihaing reklamo ni Anita Leaño Justo, may mga tumanggap umanong hindi naman karapat dapat makatanggap ng nasabing ayuda.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Brgy Kapitan Arnel Quesada, sinabi niya na nananatili siyang suspendido sa pwesto at pang limang buwan na niya ngayong Marso.
Tumatayong Kapitan ngayon ng Yeban Sur si 1st Kagawad Dominador Go.










