CAUAYAN CITY – Handang umapela sa bangko ang pamahalaang lokal ng Nagtipunan, Quirino may kaugnayan sa naging pasya ng Sangguniang Panlalawigan ng Quirino na ideklarang invalid ang ordinansang naglalayong makautang ng 763 million pesos sa Land Bank of the Philippines.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Nieverose Meneses ng Nagtipunan, Quirino, sinabi niya na kulang ang pagkakataon para maipaliwanag ang kaniyang pagtutol sa hakbang ng Sangguniang Panlalawigan.
Ayon sa punong bayan, walang karapatan ang provincial board na manghimasok sa pinagtibay na ordinansa ng Sangguniang Bayan ng Nagtipunan.
Naniniwala si Mayor Meneses na nagmalabis ang mga SP Member sa kanilang kapangyarihan upang mangalap ng impormasiyon tungkol sa isinusulong nilang proyekto.
Nilinaw niya na wala siyang balak umapela sa naging desisyon ng Sanguniang Panlalawigan ngunit ilalapit nila ito sa Land Bank na siyang magpapasya sa kanilang loan para sa proyektong pagpapaganda sa nasabing bayan.
Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay SP Member Tomas Baccac, sinabi niya na nagpasya ang Sangguniang Panlalawigan na na ideklarang invalid ang ordinansa hinggil sa pag-utang ng Nagtipunan matapos na makita ang ilang paglabag.
Aniya, matapos na mapag-aralan ang ordinansa at matapos ang ilang serye ng pagdinig ay nakita nila ang ilang paglabag.
Aniya, nagkaroon ng conflict of interest dahil sa pagkakaroon ng invalid Memorandum of Agreement (MOA) ng Nagtipunan sa isang chieftain na hindi otorisado maliban pa sa sinumpaang salaysay ng isang Lorena Bacani Santos na inalukan ng ilang bahagi ng landingan view point ni dating Mayor Rosario Camma na ama ni incumbent Mayor Meneses.
Ayon pa kay SP member Baccac, dahil kabilang ang Landingan View point sa Quirino sa protected landscape ay dapat may pahintulot din ang DENR sa pagsusulong ng proyekto.
Hinahanap din ng Sangguniang Panlalawigan ang feasibility study ng proyekto upang malaman kung paano iikot ang pondo at kung paano ito mababayaran ng LGU.
Natuklasan din ng Sangguniang Panlalawigan ang mga overpriced brand new heavy equipment, farm-to-market road at flood control projects.
Natuklasang may milyong pisong diperensiya ang estimated amount na nakalagay sa ordinansa kung ang pagbabatayan ay ang kanilang assesment.
Nakita rin nilang maaaring mahirapan ang LGU sa pagbabayad ng buwang amortization ng loan dahil sa pagiging IRA dependent ng Nagtipunan na maaaring makaapekto sa pondo ng susunod na mamumuno sa bayan.
Samantala, ikinatuwa ng barangay kagawad ng Sangbay, Nagtipunan, Quirino ang desisyon ng Sangguniang Panlalawigan na ideklarang invalid ang ordinansa para sa pag-utang ng LGU Nagtipunan ng 763 million pesos.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni barangay kagawad Beltran Almendral ng Sangbay, Nagtipunan, Quirino na nagpapasalamat siya sa Sangguniang Panlalawigan sa kanilang naging desisyon.
Aniya, hindi sila umasa na papabor sa kanila ang magiging desisyon ng Sangguniang Panlalawigan nang ilapit nila ang naturang usapin.
Tiniyak naman niya na hindi na siya kokontra kung aapela ang LGU basta maganda ang mapupuntahan ng kanilang uutangin.
Kung mapupunta pa rin ito sa landingan viewpoint at babawasan lamang ang halaga ng kanilang uutangin ay susuportahan niya ito basta maganda ang feasibility study.











