
CAUAYAN CITY – Handa na ang Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City sa pagsisimula ng pagbabakuna sa kanilang mga healthcare workers.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Glenn Matthew Baggao, medical center chief ng CVMC, sinabi niya na bukas, March 7, 2021 ay isasagawa ang pagbabakuna sa mga health workers ng CVMC at siya ang mauunang mabakunahan.
Bilang paghahanda ay nagsagawa muli sila ng huling inspeksyon sa vaccination site at 101% na umano silang handa para sa vaccination.
Ang inilaan na bakuna sa CVMC ay eksakto sa bilang ng mga empleyado na 2,448 at 70% sa mga ito ang nais na mabakunahan.
Nasa 1,645 ang bilang ng pinal na listahang isinumite ng CVMC sa DOH region 2.
Nilinaw ni Dr. Baggao na hindi kabilang dito ang mga senior citizens.
Dumating kahapon sa Tuguegarao City ang 10,800 doses ng Sinovac vaccine kontra COVID-19 na donasyon ng China sa bansa.
Ngayong araw ay ipapadala ang mga supply ng Sinovac doses sa anim na hospital sa rehiyon na kinabibilangan ng CVMC, Southern Isabela Medical Center (SIMC) sa Santiago City, Region 2 Trauma and Medical Center (R2TMC) sa Nueva Vizcaya, Regional PNP Hospital at Tuguegarao People’s General Hospital.
Ang alokasyon para sa Batanes Medical Center ay ipapadala sa mga susunod na araw sa pamamagitan ng air travel.
Muling nanawagan si Dr. Baggao sa mga mamamayan na huwag matakot magpabakuna sa Sinovac dahil ito ay ligtas at dumaan sa maraming pagsusuri at kailangan ito upang maging proteksiyon sa laban sa COVID-19.




