--Ads--

CAUAYAN CITY – Tinamaan ng sakit na Canine Distemper ang ilang alagang aso  sa Luna, Isabela na naging sanhi ng kanilang pagkamatay.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Municipal Agriculture Officer Nestor Labog ng Luna Isabela, sinabi niya nagsagawa sila ng surveilance sa San Miguel, Luna kung saan galing ang report at nalaman nila na totoong may mga namatay na aso.

Aniya, nasa 12 na aso na ang namatay sa loob lamang ng tatlong buwan.

Dahil dito ay nagbigay sila ng disinfectant sa lugar upang hindi na kumalat ang nasabing sakit.

--Ads--

Sa kanilang pagsusuri sa mga aso ay nasa siyam ang nakitaan ng sintomas ng sakit.

Ayon kay Ginoong Labog, pumunta na sila sa isang veterinary clinic upang bumili ng electrolytes, bitamina at bacterid bilang paunang lunas sa mga asong maysakit.

Ayon sa beterinaryo, malaki ang tiyansa na kapag nakapitan ng Canine Distemper ang aso ay mamamatay ito kaya agad nila itong tinugunan.

Ang sintomas ng nasabing sakit ng mga aso ay panghihina, hirap sa paghinga dahil barado ang ilong sanhi ng sipon at hindi rin makakain ang aso na magdudulot ng pagkamatay nito.

Hindi umano ito naireport agad sa kanilang tanggapan kaya hindi agad naaksyunan at marami na ang namatay.

Ayon kay Ginoong Labog, nataon sa kanilang pagsasagawa ng rabies vaccination ang pagkakatuklas ng nasabing sakit.

Ang pahayag ni Municipal Agriculturist Nestor Labog

Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay  Dr. Angelo Naui, Provincial Veterinary Officer, sinabi niya na viral disease ito kaya nakakahawa sa ibang aso kaya pinaalalahanan niya ang mga mamamayan na malapit sa infection site na huwag munang hayaang makalabas ang kanilang mga alaga.

Ayon kay Dr. Naui, sa bayan ng Luna pa lamang ang nagreport tungkol sa nasabing sakit.

Madali naman itong mapigilan kapag pinabakunahan ng mga may-ari ang kanilang aso.

Ang pahayag ni Dr. Angelo Naui.