CAUAYAN CITY – Nagsimula na ang pagbabakuna laban sa Coronavirus Disease (COVID-19) sa lalawigan ng Isabela gamit ang Sinovac vaccine.
Sa Santiago City ay sinimulan ang pagbabakuna sa mahigit 1,000 healthcare workers ng Southern Isabela Medical Center (SIMC) pagkatapos ng kanilang flag raising ceremony kaninang umaga.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Emmanuel Salamanca, assistant medical center chief ng SIMC, sinabi niya na 1,045 na Sinovac vaccine ang ibinigay sa lunsod.
Aniya, ang SIMC ang may pinakamataas na nabigyan ng bakuna sa rehiyon dos dahil sila ang may pinakamataas ng acceptance rate sa COVID-19 vaccine na umabot sa 93%.
Magtatagal ng tatlo hanggang apat na araw ang pagbabakuna at ang mga healthcare worker na sasailalim sa pagbabakuna ay direct contact ng mga pasyente ng pagamutan.
Ginaganap ito sa bagong gusali ng SIMC kung saan isinapubliko ang pagbabakuna para mahikayat ang publiko na magpabakuna.
Sinimulan na rin sa lunsod ng Ilagan ang pagbabakuna sa mga healthcare workers ng San Antonio City of Ilagan Hospital.
Kasunod ito ng pagdating kahapon ng mga Sinovac vaccine sa lunsod mula sa Departmen of Health (DOH) region 2.
Isinasagawa ito City of Ilagan Community Center at aabot sa mahigit limampo na healthcare workers ang inaasahang mababakunahan.
Samantala, naniniwala ang Provincial Health Office (PHO) na kailangan pa ng mas malakas na pagbibigay ng impormasyon sa publiko kaugnay sa magandang dulot ng bakuna laban sa Covid-19 dahil kulang pa ang pang-unawa at kaalaman ng nakararami tungkol dito.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauyan kay Dr. Elsie Pintucan, Development Management Officer ng PHO, sinabi niya na nagpalabas na ang DOH Central Office ng mga Information, Education and Communication o IEC Materials na gagamitin ng mga Healthcare Workers.
Ito ay para mas mapalawak pa ang kaalaman ng mga tao sa kahalagahan ng bakuna kontra sa naturang virus.
Aniya, patuloy ang hakbang na ito para mahikayat ang mga tao na magpabakuna.





