
CAUAYAN CITY – Nagsagawa na rin ng vaccination rollout ang pamahalaang panlalawigan ng Quirino kahapon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor. Dakila Carlo Cua, sinabi niya na naging matagumpay ang vaccination rollout kahapon para sa mga health workers na sinimulan sa Quirino Provincial Medical Center at Maddela District Hospital.
Ngayong araw naman isasagawa ang pagbabakuna sa mga health workers ng Diffun District Hospital at Aglipay District Hospital.
Kauna-unahan namang nabakunahan si Dr. Margaret Jean Cabucana-de Guzman, ang Assistant Head ng Quirino Provincial Medical Center at wala namang namonitor na adverse effects ang bakuna sa kanya.
Ayon kay Gov. Dax Cua, nasa walong daang doses pa lamang ang naibabang sinovac vaccines para sa mga health workers sa Quirino kaya prayoridad nila ang mga health workers na talagang nasa frontline.
Maliban sa bakuna mula sa pamalaang pambansa ay nakabili na rin ng sariling bakuna ang lalawigan mula sa Aztrazeneca.
Ayon kay Gov. Cua, nasa walumpung libong doses ang naprocure ng pamahalaang panlalawigan at susundin nila ang prioritization criteria ng National Immunization Technical Advisory Group o NITAG.
Nanawagan naman si Gov. Cua sa mga mamamayan na nag aalangan paring magpaturok ng covid vaccine na papatunayan ng mga unang nabakunahan ngayon ang kahalagahan ng pagpapabakuna.










