--Ads--

CAUAYAN CITY – Inaresto ng Kalinga Police operatives ang apat na lalaki na nahulihan ng 112 marijuana bricks sa Barangay Bantay, Tabuk City, Kalinga.

May timbang na 112 kilograms ang g mga marijuana bricks at may estimated Dangerous Drugs Board o DDB value na P13,440,000.

ang mga suspek na sakay ng isang Black Toyota Innova ay sina Augusto Formales Galicia, tatlumput siyam na taong gulang, residente ng Penafrancia, Mayamot, Antipolo City; Eduardo Libao Patiga, tatlumput siyam na taong gulang, residente ng East Rembo, Makati City; Wenceslao Formales Galicia, dalawamput apat na taong gulang mula sa Pasig City at residente ng Francia Antipolo City; at si John Benedick Esperito Camia, dalawamput dalawang taong gulang, residente ng Anabo, Imus, Cavite.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCol. Davy Vicente Limmong, Provincial Director ng Kalinga Police Provincial Office, sinabi niya na bunga  ito ng mahigpit na pagmamanman ng pulisya sa mga taong pumapasok at lumalabas sa kanilang nasasakupan at nagbebenta ng ipinagbabawal na gamot.

--Ads--

Aniya pinahinto ng mga pulis  sa isang checkpoint ang sasakyan ng mga pinaghihinalaan at ginamit ang canine units para matukoy kung may kargang ipinagbabawal na gamot ang sasakyan at positibo ang resulta.

Napag-alaman na nanggaling pa ang mga  marijuana sa Tinglayan Kalinga at maaaring iluluwas patungong kalakhang Maynila.

Ayon kay PCol. Limmong, dalawa ang hinahanap nilang sasakyan na nakalusot na pala ang isa at nakapasok na sa lalawigan ng Isabela.

Kasong paglabag sa Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kakaharapin ng mga suspek.

Ito ang pinakamaraming nahuli ng Kalinga Police Provincial Office ngayong taon.

Ayon kay PCol. Limmong mahirap matunton ang mga nagtatanim nito dahil liblib na lugar na ang mga plantasyon at walang naaabutang tao.

Magpapatuloy  ang kampanya ng Kalinga Police Provincial Office sa pagsawata sa pagtatanim ng marijuana sa mga liblib na lugar sa lalawigan Kalinga.

Muling nanawagan ang direktor sa mga mamamayan na may alam na nagbebenta o nagtatanim ng ipinagbabawal na gamot na ipabatid sa kanilang himpilan upang ito ay mapigilan at mahuli ang mga ito.

Ang bahagi ng pahayag ni PCol. Davy Vicente Limmong, Provincial Director ng Kalinga Police Provincial Office.

Samantala arestado ang tatlo pang lalaking PNP-PDEA High Value Target sa isinagawang hot pursuit operation ng PDEA Kalinga, IPPO at Quezon Police Station.

Una nang nahuli ng Kalinga Police operatives ang apat na lalaki na nahulihan ng 112 marijuana bricks sa Barangay Bantay, Tabuk City, Kalinga.

Ayon sa pulisya sa kanilang pagsasagawa ng operasyon ay tatlo sa mga kasama ng apat na naaresto sa Tabuk City Kalinga ang nakalusot sa checkpoint sakay ng isang Suzuki Ertiga.

Kinilala ang mga suspek na sina John Russel Crisologo labimpitong taong gulang na estudyante at residente ng Barangay Sta Cruz, Antipolo City, Prince John Lord Paluyo, dalawampung taong gulang, walang trabaho at residente ng Vacau General Trias, Cavite, Cyrus Crisologo, labing walong taong gulang at residente ng Brgy Rizal, Makati City

Kaagad nakipag ugnayan ang Tabuk City Police Station sa mga posibleng madadaanan ng mga pinaghihinalaan.

Dahil dito ay nagsagawa ng drag net operation ang mga kasapi ng Isabela Police Provincial Office, PDEA Region 2 at Quezon Police Station na nagresulta ng pagkakadakip ng tatlong pinaghihinalaan sa isang Gasoline Station sa Arellano, Quezon, Isabela.

Nakumpiska sa pag iingat ng mga pinaghihinalaan ang tatlong malalaking transparent sachets na naglalaman ng hinihinalang marijuana, walong maliliit na transparent sachets na may lamang marijuana, dalawang tubular form na may laman ding marijuana, isang bote ng cannabis oil, isang hashish marijuana brick, isang improvised shotgun at dalawang bala.

Mahaharap ang mga pinaghihinalaan sa kasong paglabag sa Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.