CAUAYAN CITY – Patuloy ang pagsisiyasat ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Naguilian, Isabela sa pagkasunog kaninang madaling araw ng lumang gusali ng Naguilian National High School.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Senior Fire Officer IV Mario Orosco, Officer In Charge ng BFP Naguilian na kaninang 4:30am ay nagtungo sa kanilang tanggapan ang isang concerned citizen para ipabatid ang nangyayarig sunog sa Naguilian National High School.
Aniya, nasunog ang lumang gusali ng paaralan na tinatawag na LGU building na ginagamit na quarantine facility.
May anim na room ang gusali at dalawa ang ginagamit na quarantine facility habang ang isa ay storage room kung saan nag-umpisa ang sunog.
Naideklara ang sunog na fireout kaninang 6:30 ng umaga na umabot sa ikalawang alarma.
Mapalad na walang nasaktan dahil noong ika-10 ng Marso pa may huling gumamit sa naturang gusali.
Patuloy ang pagsisiyasat ng BFP Naguilian para malaman ang sanhi ng sunog bagamat batay sa pauna nilang pagsisiyasat ay posibleng galing sa service drop wire ng gusali ang apoy.
Ayon kay SFO4 Orosco, gawa sa kahoy ang gusali at marami rin ang mga kagamitan sa loob kaya malaki ang apoy.
Nagpapasalamat siya sa mga tumugon na kasapi ng Reina Mercedes at Benito Soliven Fire Station.




