CAUAYAN CITY – Ipapatupad sa susunod na linggo ang limang araw na Lockdown sa Kapitolyo ng Nueva Vizcaya kasunod ng pagpositibo sa Covid19 ng ilang mga empleyado.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Carlos Padilla ng Nueva Vizcaya, sinabi niya na kapansin-pansin sa mga nagdaang araw ang bahagyang pagtaas ng kaso ng Covid19 na naitatala sa lalawigan kung saan ilan sa kanilang mga empleyado ang nagpositibo.
Dahil dito ay nagdesisyon ang pamunuan na ilatag ang halos isang linggong pagsasara ng Kapitolyo.
Inamin ng Gobernador na marami ang nagtutungong mga karaniwang residente sa tanggapan kaya kailangan munang pansamantalang isara para sa isasagawang disinfection at contact tracing sa buong Capitol Compound.
Nasa dalawang tanggapan ang nakapagtala ng positibo sa Covid19 kabilang ang Provincial Accounting Office at DSWD Office.
Sa Loob ng limang araw na Lockdown, tanging ang PDRRMO at PHO ang sasailalim sa skeleton workforce na magsisimula sa ikalabing lima hanggang sa ikalabing siyam ng Marso.
Maaring dahil sa maluwag na protocol ang pagtaas ng kaso sa lalawigan bagamat maswerte pa rin sila dahil hindi araw araw na nakakapagtala ng bagong kaso ang kanilang lalawigan.
Sa ngayon nasa 868 na ang Total Confirmed Case ng lalawigan, apatnaput tatlo ang aktibong kaso, 787 naman ang gumaling, umakyat na rin sa tatlumput walo ang nasawi habang naitala ang labing tatlong bagong kaso
Humingi naman siya ng pasensya sa mga residente pangunahin na sa mga maapektuhang kliyente.