--Ads--

CAUAYAN CITY – Nananawagan ng tulong ang isang OFW na tubong Aglipay at nasa Riyadh Saudi Arabia na makauwi na dahil sa pagmamaltrato sa kanya ng kanyang mga employer.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jerryburn Layco mula sa Riyadh Saudi Arabia, ang nasabing OFW ay si Maricris Martin Bacheler, dalawamput siyam na taong gulang, residente ng Victoria Aglipay Quirino.

Nakaranas ang nasabing OFW ng pananakal, pananampal at pinagtulungan pa umano siyang bugbugin ng kanyang employer at kanilang anak.

Minsan ay tinusok din umano ang kanyang mata gamit ang hanger na muntik na niyang ikabulag.

--Ads--

Naranasan din umano niyang hindi kumain at pinapatrabaho pa umano siya sa ibang bahay ng kanyang mga amo.

Dumulog na rin umano siya sa kanyang agency upang ipabatid ang kanyang nararanasan sa employer ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin silang aksyon.

Nagpost na rin umano siya sa social media upang magpatulong ngunit pinapadelete ito ng kanyang rekruter sa probinsya ng Quirino at imbes na tulungan ay binantaan siya na sasaktan kapag nakauwi sa Pilipinas.

Mula nang dumating siya sa Riyadh ay hindi niya naranasang makapagpamedikal kaya hindi siya makalabas ngayon dahil sa restriksyong dulot ng Covid 19.

Nais na umano niyang umuwi dahil magtatatlong taon na siya sa Saudi Arabia ngunit hindi ibinibigay ng employer ang kanyang tamang sahod.

Ayon kay Ginoong Layco nakipag ugnayan na siya sa POLO Riyadh tungkol sa nasabing OFW at sa kasalukuyan ay ginagawan na ng aksyon.

Nanawagan naman si Ginoong Layco sa pamilya ni Maricris sa Lalawigan ng Quirino na tulungan ang kanilang kapamilya na makauwi na sa bansa.

Ang bahagi ng pahayag ni Gioong Jerryburn Layco.