--Ads--

CAUAYAN CITY – Pinapayagan ang online selling ng mga guro kung tapos na ang oras ng kanilang trabaho at kung araw ng Sabado at Linggo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, pinaalalahanan  ni Dr. Alfredo Gumaru Jr., Schools Division Superintendent ng Department of Education (DepEd) Cauayan City ang mga guro na huwag gamitin ang oras sa kanilang trabaho sa pagsasagawa ng online selling dahil ipinagbabawal ito ng Civil Service Commission (CSC).

Ang guro aniya na matutukoy na nagsasagawa ng online selling, wala sa paaralan na hindi nagsumite ng leave of absence  ay maaaring ituring na Absent  Without Leave (AWOL).

Maaari ring mapanagot ang principal ng gurong mapapatunayang nagsasagawa ng online selling habang nasa trabaho dahil nasa ilalim siya ng kaniyang hurisdiksiyon.

--Ads--

Wala pa namang guro na inireklamo sa Grievance Committee ng DepEd dahil sa naturang gawain.

Tanging  reklamo  hinggil sa late na pagpasok sa paaralan ng isang guro ang kanilang natatanggap at agad na tinutugunan.

Ayon kay Dr. Gumaru, ang mga guro na mapapatunayang madalas na lumiban sa trabaho upang magsagawa ng online selling ay maaaring matanggal sa serbisyo o mapatawan ng administrative sanction.

Nagpaalala rin si Dr. Gumaru na ang home visitation ay dapat nakapaloob sa proram plan ng guro at kailangang alam ng principal at hindi niya ito maaring samantalahin  upang magdeliver ng goods sa online selling.

Aniya, ipinagbabawal ang pagtungo ng mga guro sa barangay na hindi alam ng school principal.

May katuwang na validation ang  home visitation upang matiyak na nagtungo sa bahay ng kanilang learners ang mga guro.

Ayon kay Dr. Gumaru, bukas ang kanilang tanggapan para tugunan ang reklamo ng mga magulang may kaugnayan sa distance learning maging sa online selling ng isang  guro.

Ang pahayag ni Dr. Alfredo Gumaru Jr.