
CAUAYAN CITY – Patuloy ang pagsisiyasat ng Quezon Police Station sa pagkamatay ng isang pulis matapos na bumangga ang minamanehong motorsiklo sa kongkretong kilometer post sa gilid ng daan barangay Alunan, Quezon, Isabela.
Ang namatay ay si PCpl Saveric Tagao, 30 anyos, residente ng Alinguigan, City of Ilagan at nakatalaga sa Mallig Police station.
Lumabas sa imbestigasyon ng mga kasapi ng Quezon Police Station na binabagtas ni PCpl. Tagao ang national highway lulan ng kaniyang motorsiklo patungong hilagang direksiyon nang bumangga kilometer post.
Siya ay tumilapon sa daan at nagtamo ng malubhang sugat sa ulo dahil walang suot na helmet.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Roberto Valiente, hepe ng Quezon Police Station, sinabi niya na lumalabas na walang ibang sangkot na sasakyan sa aksidente
Patuloy aniya ang paggawa nila ng investigation report hinggil sa nasabing pangyayari.
Nanawagan si PMaj Valiente sa mga tgsuper ng motorsiklo na magsuot ng protective helmet at maging defensive driver.
Laging mag-ingat at tingnan ang kalagayan ng mga daan lalo na sa bahagi ng mga pambansang lansangan na madilim o walang ilaw.




