CAUAYAN CITY – Malaking palaisipan sa pamilya ng isang magsasaka sa barangay Dibuluan, San Mariano, isabela kung ano ang dahilan ng kanyang pagpapakamatay.
Ang nagbigti ay si Ronchie Appaccag, 35 anyos, may asawa, magsasaka at residente ng naturang barangay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PChief Master Sgt. Rogelio Ignacio Jr., imbestigador ng San Mariano Police Station na palaisipan sa misis ng magsasaka kung ano ang dahilan ng pagkitil nito sa kanyang buhay dahil wala naman silang hindi pagkakaunawaan.
Nakipag-inuman pa umano siya sa kanyang biyenan at mga bayaw dakong 7:30 ng gabi at wala naman umano silang napansin na kakaiba sa kanyang mga kilos.
Alas dos ng madaling araw kahapon nang makita siya kanyang asawa na nakabitin sa kanilang kusina.
Sinikap nilang isalba si Appaccag ngunit wala na siyang buhay nang matanggal ang tali sa kanyang leeg.
Hinala ng pulisya na may mabigat na problema ang magsasaka kaya nagawa niyang magpakamatay.
Payo nila na sa panahon ngayon ay malaking bagay ang pagkakaroon ng pag-uusap ng mga mag-asawa para mailabas ng mga lalaki ang kanilang kinikimkim na problema.





