CAUAYAN CITY – Hihilingin ng pamahalaang lokal ng Roxas, Isabela sa Department of Health (DOH) na isailalim sa genome sequencing ang mga kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar dahil sa mabilis na pagtaas ng mga nagpopositibo sa virus.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mayor Jonathan Jose ‘Totep’ Calderon na hinala nilang may nakapasok na bagong variant ng COVID-19 sa kanilang bayan kaya nais nilang maisailalim sa genome sequencing ang mga bagong kaso para mapag-alaman kung anong klase ng virus ang kumakalat sa kanilang lugar.
Aniya, nababahala na sila dahil mula nang makapagtala ang kanilang bayan ng kaso ng COVID-19 ay ngayon lamang sila nakapagtala ng mataas na kaso.
Matatandaang dahil sa mabilis na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Roxas, Isabela ay isinailalim ito sa 14 na araw na General Community Quarantine (GCQ) mula March 14, 2021 at magtatagal hanggang March 27, 2021.
Ayon kay Mayor Calderon, susundin pa rin nila ang GCQ guidelines sa kabila ng mabilis na pagtaas ng virus sa kanilang bayan.
Bukas pa rin ang kanilang palengke mula 4:00AM hanggang 1:00PM para sa pagsasagawa ng disinfection at sa mga lugar na apektado ng COVID-19.
Sa mga bahay-kainan ay wala munang dine-in habang sa tanggapan ng pamahalaang lokal ay nagpapatupad muna ng skeleton work force.
Ayon pa kay Mayor Caldron, lahat ng mga dumarating sa kanilang bayan ay sumasailalim sa antigen test at kapag nagpositibo ay agad na sasailalim sa RT-PCR test.
Hindi na rin aniya kailangan ang travel pass ngunit kung may mangailangan sa kanilang mga kababayan ay magbibigay pa rin sila.












