CAUAYAN CITY – Ikinalungkot ni Mayor Gregorio Pua ng San Mateo, Isabela ang pagkasawi ng isang midwife at isang pasyente mula sa kanilang bayan matapos na tamaan ng Coronavirus Disease (COVID-19).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Pua, sinabi niya na unang nasawi ang isang midwife ng Rural Health Unit (RHU) na residente ng barangay Gaddanan, San Mateo, Isabela at sinundan ng pagkasawi ng isang pasyente na naka-admit sa isang ospital sa Cauayan City at residente Marasat Pequenio, San Mateo, Isabela.
Ang midwife ay na-admit sa San Mateo Integrated Community Hospital kung saan siya binawian ng buhay.
Dahil dito ay pansamantalang isinailalim sa lockdown ang RHU matapos tamaan ng virus ang 16 na individual kabilang ilang health worker na naturukan ng unang dose ng COVID-19 vaccine.
Kabilang sa mga nagpositibo ang isang doktor at dalawang ambulance driver .
Dahil sa takot, may ilang moonlight doctors ang ayaw munang pumasok sa trabaho dahil sa patuloy na pagtaas ng mga nagpopositibo sa San Mateo Integrated Community Hospital na umabot na sa 51.
Ayon kay Mayor Pua, kulang ang 16 bed capacity ng ospital kaya binuksan na nila ng kanilang quarantine area na may 36 bed capacity upang paglagyan ng iba pang COVID-19 positive patients.
Bagamat pinag-aaralan ang pagbubukas ng botika ng RHU ay mananatiling suspendido ang iba pang serbisyo ng ospital.
Isinailalim din sa lockdown ang dalawang gusali ng munisipyo matapos na tamaan ng virus ang ilang empleyado.
Bilang hakbang laban sa tumataas na kaso ng COVID 19 ay dalawang beses sa isang araw na kung magsagawa ng massive disinfection sa mga apektadong tanggapan at gusali.
Lahat ng bahay ng nagpositibo kabilang ang mga kapitbahay nila depende sa rekomendasiyon ng Local Inter-Agency Task Force at contact tracers ay isinailalim sa granular lockdown.
Ang mga bahay na isinailalim sa granular lockdown ay babantayan ng mga barangay tanod upang matiyak na hindi makakalabas ang mga naapektuhang pamilya.
Bilang ayuda ay magpapadala ang munisipyo ng food relief pack na may kasamang bitamina sa mga naapektuhan ng granular lockdown gayundin sa mga individual na pinayuhang mag-isolate.
Isa sa nakikitang dahilan sa biglaang paglobo ng kaso ng COVID-19 sa San Mateo, Isabela ay ang bahagyang pagluwag ng mga ipinapatupad na travel restriction.
Ayon kay Mayor Pua, habang niluluwagan ang pagbubukas ng ekonomiya, dapat ay mas nagiging maingat ang mga tao at hindi naging kampante ang marami na nagbunga ng pagtaas ng mga nagpopositibo sa virus.
Humihingi ng pang-unawa si Mayor Pua sa mga nasasakupan dahil pansamantala niyang ipagbabawal ang pabasa sa paggunita ng Semana Santa.
Nauna nang inabisuhan ang mga opisyal ng bawat barangay na huwag payagan ang pagsasagawa ng pabasa.






