
CAUAYAN CITY – Pinag-iingat ng San Mariano Police Station ang mga bumibili sa online ng mga muwebles para hindi mabiktima ng manlolokong seller.
Ito ay matapos na mabiktima ng isang online seller na mula sa San Mariano, Isabela ang ilang Overseas Filipino Worker (OFW) na mula sa iba’t ibang lugar.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PSSgt Jhonimar Baingan, imbestigador ng San Mariano Police Station, sinabi niya na sinampahan na nila ng kaso ang isang online seller na nanloko sa ilang buyer.
Matapos makipag-transaksiyon ay hihingi ng advance payment ang seller ngunit wala namang ibibigay na muwebles na inorder ng buyer.
Karaniwan sa mga binibiktima niya ay mga OFW’s na nasa ibang bansa at taga-Pampanga, Bulacan at iba pang lugar.
Ayon kay PSSgt Baingan, maliban sa online selling ay marami rin silang natatanggap na reklamo may kauganyan sa text scam.




