--Ads--

CAUAYAN CITY – Ipinaliwanag ng isang internist at nephrologist ang mangyayari sa katawan ng isang tao kapag tinamaan ng COVID-19.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Glen Butuyan, internist at nephrologist sa Isabela na kung titignan ang presentasyon ng mga dalubhasa tungkol sa COVID-19, ito ay parang trangkaso lamang.

Gayunman kung kung mahina ang resistensiya ng katawan o hindi maganda ang immune system ng matatamaan ay mahihirapang makarekober hanggang sa hindi na kayang labanan ang virus.

Aniya, kapag pumasok sa katawan ng tao ang COVID-19 ay inaatake nito ang respiratory system.

--Ads--

May ginagawa aniyang paglaban ang katawan ng tao ngunit dahil sa sobrang paglaban ay nakakapaglabas din ito ng ikakasira ng katawan na tinawag nilang cytokine storm at ang madalas nitong naaapektuhan ay ang baga.

Binabalot nito ang baga hanggang sa hindi na makahinga ang pasyente.

Bukod dito ay nasisira rin nito ang iba pang organs sa katawan tulad ng kidney.

Dagdag pa ni Dr. Butuyan na nakadepende sa dami ng pumasok na virus sa katawan ng tao ang tindi ng tama ng COVID-19 subalit kung may ibang sakit at bagsak na ang immune system ay maari pa ring mabilis ang paglala ng sitwasyon.

Ang pahayag ni Dr. Glen Butuyan

Naniniwala si Dr. Butuyan na bagong variant na ng COVID-19 ang tumatama ngayon sa Pilipinas dahil sa bilis ng pagkalat ng virus.

Inihayag ni Dr. Butuyan na nalulungkot sila dahil sa lakas ng tama ng virus sa bansa ay napakabilis na ang pagkalat nito kaya ang hinala nila ay bagong variant na ang tumatama sa iba’t ibang panig ng bansa.

Kung titignan aniya sa nakalipas na isang taon na pakikibaka sa pandemya ay hindi naman masyadong marami ang naitatalang kaso pero ngayon ay para itong bomba na sumabog dahil sa dami ng mga nagpopositibo.

Kaya nagpapasalamat siya na mayroon nang bakuna dahil bilang isa sa mga tumitingin sa mga may critical na kundisyon ay napakalaki itong tulong para maprotektahan ang kanilang sarili.

Hinimok  niya ang mga mamamayan na sumunod sa mga panuntunan dahil iisang giyera ang kinakarahap ngayon ng buong mundo.

Ayon sa kanya, ang nangyayari ngayon ay walang halaga ang pera kapag tinamaan ng virus dahil hindi nito mabibili ang kailangan ng isang pasyente dahil sa limitadong suplay.

Aniya, ang tunay na kayamanan sa panahong ito ay kalusugan.

Dagdag niya na hindi bakuna o gamot ang solusyon kundi disiplina at pagmamahal sa mga kapamilya at sa bansa.

Ang pahayag ni Dr. Glen Butuyan