CAUAYAN CITY – Inilunsad ng Department of Science and Technology (DOST) region 2 ang kauna-unahang Smarter City Belt Project sa buong bansa.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, sa pagpapasinaya sa kauna-unahang Smarter City Belt na may temang “Exploring New Growth through Innovation and Nurturing Engagement of Smart Solutions o ENGINES” ay isinapubliko rin ang isang kasunduan sa pagitan ng mga kalahok na lunsod, bayan at DOST.
Pinangunahan ito ni DOST Regional Director Engr. Sancho Mabborang.
Ang kauna-unahang Smarter City Belt Project sa bansa ay naglalayong isulong ang moderno at makabagong pamamaraan ng pamunuhay sa mga nangungunang lunsod at bayan sa lambak ng Cagayan.
Nais din ng Smarter City Belt Project na maihanda ang bawat lugar sa pagbabago at progreso sa mga darating na panahon sa tulong na rin ng mga teknolohiya at inobasyon mula sa DOST, State Universities and Colleges (SUCs) maging ang mga Higher Education Institutiions (HEI).
Layunin din ng proyekto na matugunan ang iba’t ibang suliranin, kalamidad at sakunang nararanasan sa rehiyon sa pamamagitan ng Science, Technology innovation (STI).
Kabilang sa nasabing proyekto ang Lunsod ng Cauayan na kauna-unahang binansagang smarter city sa rehiyon dos at ngayon ay kabilang na rin ang mga Lunsod ng Tuguegarao, Santiago at Ilagan habang ang mga bayan ay ang Bayombong at Solano sa Nueva Vizcaya, Maddela, Cabarroguis at Diffun sa Quirino, Lallo at Sta. Ana sa Cagayan at Basco, Batanes.
Kinilala ni kalihim Fortunato de la Peña ng DOST ang nasabing proyekto at pinuri ang pamunuan ng DOST Region 2.
Kaugnay nito ay iginawad naman ng DOST region 2 ang isang milyong Piso sa dalawang Lunsod bilang suporta sa pagpapatupad ng proyekto.






